Gabay na Blueprint

LATHALAIN
Author:Jett Elijah P. Tanggo
Copyeditor:Geoanna L. Boloso
Cartoonist:Mikaella C. Daguro
Gabay na Blueprint

Tag-init na, panahon ng bakasyon. Habang ang marami’y abala sa pamamahinga at paglilimayon, ako nama’y tila naiwan sa gitna ng isang drowing na hindi pa tapos. Isang guhit na wala pang linya, isang planong wala pang laman. Sa ilalim ng tahimik na langit, sinikap kong unawain—ano ang susunod na iguguhit ng tadhana para sa akin?

Sa aking pananahimik, sumilip ang tanong: ano kaya ang hitsura ng blueprint ng darating na taon? May bagong proyekto kaya ang kapalaran? Mga suliranin bang hindi ko pa kayang sukatin? O baka naman mga kaibigang magiging bahagi ng aking disenyo?

Agosto 12, 2024—isang petsang naging batong-panulok ng panibagong yugto. Sa pagpasok ko sa Siklab, sinalubong ako ng mga pamilyar na di-pamilyar: bagong silid, bagong mukha, bagong hamon. Ngunit sa likod ng mga ito, may gumuhit na agad ng pagbabago—mga taong hindi ko inaasahang magiging bahagi ng aking plano.

Aaminin ko, una pa lang ay may takot na bumalot sa akin. May distansyang likha ng agwat sa edad, ng karanasang hindi ko pa matatapatan. Para akong banghay na nahihiyang magpahayag ng plano sa mas mga bihasa. Ngunit dahil sa isang aktibidad, napilitan akong sumanib sa kanila. Doon nagsimulang nabura ang guhit ng hiya, at dahan-dahang humulagpos ang aking sarili mula sa pagkakakulong. Nakilala ko sila hindi bilang mga kahanga-hangang senior, kundi bilang mga gabay—handang makinig, magturo, at tumanggap.

Buwan ang lumipas, at unti-unti akong natutong humawak ng lapis. Gawain dito, deadline doon—isang araw-araw na blueprint ng pagkakaisa, pagod, at paglago. Bawat aktibidad ay tila bahagi ng malawak na plano, at sa bawat yugto, may mga kamay na nagtuturo kung saan ako dapat pumuwesto. Hindi man ako sanay sa simula, pero dahil sa kanilang paggabay, unti-unti kong nauunawaan kung paano gumuhit sa loob ng mga linya, at kung kailan lalagpas sa mga ito.

Ang kanilang presensya ang naging unang layer ng plano ng taon ko. Sila ang naglatag ng pundasyon kung saan ko itinayo ang bagong bersyon ng sarili ko—mas matatag, mas marunong, at mas bukas sa mundo. Ang kanilang mga tinig, mga aral, at maging ang tahimik nilang pagsuporta ay naging blueprint ng aking pagkatao sa panahong ito.

Ngunit gaya ng bawat plano, may hangganan din ang konstruksyon. Hindi ko namalayang ang araw ay napalitan na ng buwan, at ang umpisa ay malapit nang maging wakas. Mabilis pala talagang gumulong ang panahon kapag ang blueprint ay isinasakatuparan kasama ang mga taong mahalaga.

Kaya sa bawat Kuya at Ate na naging tagaguhit ng aming landas, taus-puso ang aming pasasalamat. Sa inyong tiyagang paghubog at paglatag ng disenyo ng aming kinabukasan—salamat. Sa pagbabahagi ninyo ng sarili ninyong plano upang kami ay makalikha ng amin—salamat. Hindi man namin kayo muling makakasama sa darating na taon, mananatili kayong bahagi ng aming arkitektura. At sa bawat hakbang na aming tatahakin, kayo ang magiging blueprint na aming babalikan.

Hanggang sa muli, mga gabay naming tagaguhit. Ang iniwan ninyong plano ay hindi man ninyo na masaksihan sa kabuuan, ay patuloy naming isasakatuparan—para sa sarili, sa kapwa, at sa bayang tinawag tayong paglingkuran.